Ngayong Valentine’s Day, muling nagpaalala si DILG Secretary Benhur Abalos Jr. sa lahat na mag-ingat sa mga “love scam” na naging talamak na raket sa mga ganitong panahon.
Ayon sa Kalihim, target nilang biktimahin ang mga nalulungkot at naghahanap ng pagmamahal kaya naman maging alerto at huwag magpapabudol.
Kasabay ng Valentine’s Day ay ang paggunita ng mga Katoliko ng Ash Wednesday na siyang hudyat ng pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma.
Sa kanyang mensahe, hinihikayat ng DILG chief ang lahat na gamitin ang panahong ito sa pag-aayuno, at pag-alala ng sakripisyo at penitensya na ginawa ng Panginoong Hesukristo para iligtas ang sangkatauhan sa mga kasalanan.
Dapat aniya na ipamalas ang tunay at tapat na pananampalataya sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan sa mga pamayanan.
Partikular na sa mga simbahan at iba pang lugar ng pagsamba at bilang pagtalima na rin sa programang KALINISAN sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. | ulat ni Rey Ferrer