Mariing kinondena ni Vice President Sara Duterte ang nangyaring pananambang sa isang doktor na si Sharmaine Ceballos Barroquillo sa Buluan, Maguindanao.
Si Dr. Barroquillo ay isang doktor sa Sultan Kudarat Provincial Hospital.
Sa isang pahayag, sinabi ng Pangalawang Pangulo na walang sinuman lalo na ang mga responsableng mamamayan at kawani ng pamahalaan katulad ni Dr. Barroquillo na tunay na naglilingkod sa mga Pilipino ang dapat na makaranas ng karahasan sa kamay ng mga kriminal.
Isa lamang aniya ito sa mga insidente ng karahasan sa buong bansa na sumasalamin sa estado ng seguridad at kaayusan ng bansa.
Nanawagan din si VP Sara sa mga responsableng ahensya ng pamahalaan, na iligtas ang mamamayan laban sa banta ng mga kriminal at terorista, at iba pang pwersa na nais na takutin ang publiko at pahirapan ang bansa.
Umaasa din ang Pangalawang Pangulo, na mabibigyan ng hustisya ang sinapit ni Dr. Barroquillo at managot ang mga gumawa nito sa kaniya.
Matatandaang si Dr. Barroquillo ay nagmamaneho ng kaniyang sasakayan sa Buluan, Maguindanao Del Sur noong gabi ng February 3 nang bigla itong tambangan ng riding-in-tandem at pinaputukan ng tatlong beses.
Nakaligtas naman ang biktima sa insidente pero nagtamo ito ng sugat sa kaniyang kaliwang balikat at likuran. | ulat ni Diane Lear