Pinawi ng mga senador ang pangamba tungkol sa sinasabing posibleng negatibong epekto sa ekonomiya ng bansa ng panukalang P100 dagdag sahod sa lahat ng manggagawa sa pribadong sektor.
Sa interpellation para sa Senate Bill 2534 o ang panukalang P100 legislated wage hike, natanong ni Senador Sherwin Gatchalian ang pahayag ng ilang business group na baka magresulta sa inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang panukalang.
Giit nina Senate Committee on Labor Chairperson Senador Jinggoy Estrada at Senate Majority Leader Joel Villanueva, bagamat magreresulta ito sa tinatawag na wage spiral ay tataas rin naman ang buying capacity o ang kakayahang bumili ng mga manggagawa.
Pinunto naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na mula nang maipasa ang CREATE law, kung saan binabaan ang corporate income tax ay lumaki ang kita ng mga negosyo.
Kaya naman nararapat lang ayon kay Zubiri, na itaas na rin ang sahod ng mga manggagawa.
Binigyang diin ng senate leader, na makakatulong ang legislated wage hike sa productivity ng mga mangaggawa sa pribadong sektor at sa pag agapay sa pang araw-araw na buhay.
Inaasahan rin aniyang mapapasigla ng panukalang ito ang ekonomiya dahil mas tataas ang kapasidad ng mga manggagawa na gumastos o bumili. | ulat ni Nimfa Asuncion