Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na higit na praktikal ang kasalukuyang cash grant na ibinibigay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Bunsod ito ng mungkahi ng Department of Agriculture (DA) na bigas ang ipamigay sa halip na cash aid para sa beneficiaries ng 4Ps.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, ang rice subsidy para sa 4Ps beneficiaries ay ibinibigay ng cash upang makaiwas sa mahabang pila.
Ang P600 monthly rice subsidy ay ibinibigay sa mga qualified 4Ps member bukod pa ang education at health grants, matapos makapag-comply sa specific behavioral conditions gaya ng pagdadala sa kanilang mga anak sa eskwelahan, sa health centers para ipa-checkup at pagdalo sa Family Development Sessions (FDS).
Gayunman, ang DSWD ay bukas sa rekomendasyon ng mga partner stakeholder nito upang mapagbuti pa ang kanilang implementasyon ng programa.
Dagdag pa ni Lopez, ano man ang rekomendasyon ito ay dadaan pa rin sa approval ng National Advisory Council (NAC) na kinabibilangan ng iba’t ibang government agencies kasama na ang DSWD, DOH, DepEd, DA, DOLE at DTI. | ulat ni Rey Ferrer