Matagal nang dapat nagkaroon ng dagdag sahod ang mga manggagawa ayon kay Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr.
Kasabay ng pagpapahayag ng suporta sa panukalang ₱100 legislated wage hike, sinabi ni Revilla na ilang milyong mga manggagawa sa pribadong sektor ang makikinabang sa panukala.
Nagpasalamat rin ang senador kay Senate Committee on Labor Chairman at Senate President Juan Miguel Zubiri sa pagpupursigeng maipasa ang panukalang ito sa Senado.
Ilang beses na umano niyang inihahain ang panukalang batas para sa Legislated Wage Increase pero ngayon lang ito umusad
Ipinunto ng senador na sa ngayon ay ₱610 ang minimum wage sa Metro Manila pero base sa living wage ay kailangan ng ₱1,193 para sa isang pamilya na may limang miyembro.
Habang sa mga probinsya ay ₱381 hanggang ₱510 ang minimum wage ng mga manggagawa.
Samantala, sinabi naman ni Senador Chiz Escudero na hindi totoo ang babala ng mga malalaking negosyante na babagsak ang ekonomiya ng bansa kapag nagkaroon ng ₱100 dagdag sahod ang mga manggagawa. | ulat ni Nimfa Asuncion