Naniniwala si Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat na ring gawaran ng wage increase ang mga empleyado ng gobyerno, kasabay ng isinusulong na P100 dagdag sahod sa minimum wage workers ng pribadong sektor.
Sa interpellation para sa Senate Bill 2534, natanong ni Senador Sonny Angara ang posibilidad ng pagkakaroon ng wage distortion partikular na sa pagitan ng mga manggagawa ng pribadong sektor at ng gobyerno.
Ipinunto ni Angara na sa kasalukuyan, ang pinakamababang sweldo sa plantilla position sa gobyerno ay kumikita ng katumbas ng P156,000 kada taon (P13,000/month).
Samantalang kung maipapasa ang panukalang legislated wage hike ay aabot ang sahod ng isang non-agricultural employee sa pribadong sektor sa P187,000 kada taon (P15,583/month); habang P177,000 naman kada taon (14,750/mo) ang sa mga agricultural employee.
Bilang tugon, ipinahayag ni Zubiri na dapat na ring i-adjust ang pasahod sa mga taga-gobyerno.
Sinabi naman ni Senate Committee on Labor Chairperson Senador Jinggoy Estrada na maging ang mga private sector employee na lagpas sa minimum wage ang sinasahod ay dapat na ring pataasan ng sweldo.
Pinunto rin ni Zubiri, na mayroon nang proseso na itinatakda ang Labor code para ayusin ang magiging wage distortion bunga ng panukalang legislated wage hike. | ulat ni Nimfa Asuncion