Naniniwala ang ilang empleyado sa Quezon City na hindi na kailangan pa ang pagkakaroon ng ‘heartbreak leave’ sa tuwing nasasaktan ang puso.
Kaugnay ito ng inihaing panukalang Heartbreak Recovery and Resilience Act (House Bill 9931) ni Cagayan de Oro City Representative Lordan Suan na layong bigyan ng emotional support ang mga empleyadong nahihirapan dahil sa pinagdadaanang breakup.
Isa sa nakausap ng RP1 si Johnjohn na nasa construction industry. Ayon sa kanya, sa panahon ngayon, mas kailangan ng taong may heartbreak ang magtrabaho kaysa magmukmok lang.
Si Maam Rowena naman na isang guro, mas iniisip ang kapakanan ng mga estudyanteng tinuturuan kaysa ang sariling pinagdaraanan.
Isa pa sa nakapanayam ng RP1 team na si Mariel, sinabing dumaan na sa heartbreak pero hindi naman kinailangang mawala sa trabaho.
Para sa kanya, mas nakatutulong pa ang trabaho para makalimot sa pinagdaraanan.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng isang araw na unpaid heartbreak leave kada taon ang mga empleyado na wala pang 25 taong gulang, 2-days unpaid leave naman para sa mga nasa edad 25-35, at tatlong araw naman na leave para sa edad 36 pataas. | ulat ni Merry Ann Bastasa