Nakalatag na ang interventions ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pamilyang tatamaan ng epekto ng El Niño.
Sa isinagawang DSWD Media Forum, tiniyak ni DSWD Undersecretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Diana Rose Cajipe na may naka-pre-position nang family food packs (FFPs) at non-food items sa mga regional office ng ahensya na nakahanda nang ipadala sa mga maapektuhang lokalidad.
Nakahanda rin aniya ang ahensya sa anumang request mula sa LGUs para sa financial assistance.
“Malaking tulong po ang mga naka-preposition natin na goods. We are talking about the food packs, but aside from that, the regional offices ng DSWD are open to any referrals for those already affected by the El Niño,” ani Undersecretary Cajipe.
Bukod dito, ipinunto rin ni Asec. Romel Lopez na nakikipagtulungan na ang DSWD sa Department of Agriculture (DA) at United Nations – World Food Programme (UN-WFP) para sa implementasyon ng Project LAWA o Local Adaptation to Water Access na layong matugunan rin ang impact ng tagtuyot sa pamamagitan ng pagtatayo ng small farm reservoirs (SFRs) sa mga lalawigan ng Ifugao, Antique, at Compostela sa Davao de Oro.
Sa ilalim nito, makakatanggap ang mga residente ng financial support sa pamamagitan ng cash-for-work (CFW) at cash-for-training (CFT), kapalit ang pagtulong sa kontruksyon ng alternative water resources.
“Ito yung whole-of-nation, whole-of-government approach just to make sure na no one will be left behind dun sa tulong natin should itong effect talaga ng El Niño ay mas maramdaman,” paliwanag ni Asec. Lopez. | ulat ni Merry Ann Bastasa