Itinuturing ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) bilang “temporary setback” ang pag-isyu ng Korte Suprema ng temporary protection order para kay Jonila Castro at Jhed Tamano, ang mga environmental activist na nag-akusa sa militar na dumukot sa kanila.
Sa isang kalatas, sinabi ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. na bahagi lang ito ng “due process” at hindi pa katapusan ng kaso, dahil pinasa ito ng Korte Suprema sa Court of Appeals para dinggin.
Sinabi ni Usec. Torres na ito ay magiging magandang pagkakataon para ipresenta ng pamahalaan ang kanilang mga hawak na ebidensya, upang pasinungalingan ang akusasyon ng dalawang aktibista laban sa militar.
Matatandaang, unang pinalabas ng mga makakaliwang grupo na dinukot ng militar ang dalawa, na pinasinungalingan mismo ng dalawa sa kanilang sinumpaang salaysay na kusa silang sumuko.
Pero biglang binago ng dalawa ang kanilang kwento sa live press conference ng NTF-ELCAC at idiniin ang militar. | ulat ni Leo Sarne