Nais hanapan ni Cebu 5th District Representative Duke Frasco ng pang matagalang solusyon ang matagal nang problema sa traffic ng Metropolitan Cebu.
Sa kaniyang House Resolution 1592, inaatasan ang House Committees on Transportation and Good Government and Public Accountability na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa krisis ng mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Cebu, at kung ano ang mga maaaring hakbang para masolusyunan ito.
Binigyang diin ni Frasco, ang malaking epekto ng transportation sector sa pagpapalago ng ekonomiya sa mga highly-urbanized region gaya ng kanilang probinsya.
Tinukoy nito ang Metropolitan Cebu bilang ikalawang metropolitan sa buong bansa na may mabilis na paglago at ambag sa industrial, commercial at financial development ng Visayas at Mindanao.
Gayunman, nakakaapekto ang paglaki ng populasyon at trapiko.
Tinuran pa ng mambabatas ang 2018 JICA study kung saan sinasabi na P1.1 billion kada araw ang nawawala sa ekonomiya dahil sa trapiko.
Umaasa si Frasco, na sa pamamagitan ng pagsisiyasat ay marepaso ang kasalukuyang transportation at development policies kasama ang mga proyekto para sa ikareresolba ng trapiko.
Aniya, hindi lang ito para sa ekonomiya ngunit para rin sa mas maayos na kalidad ng buhay ng mga residente, kanilang kalusugan at kapakanan. | ulat ni Kathleen Forbes