Ipinanawagan ni Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mga mananampalataya na suportahan ang “Alay Kapwa 2024” donation drive ng Simbahan sa panahon ng Kuwaresma.
Sa Pastoral Letter ni Archbishop Advincula, ibinahagi nito ang pagkakaroon ng second collection sa mga Misa ng Linggo mula Pebrero 18 hanggang Marso 24.
Ayon sa Arsobispo, ito ay magbibigay daan para sa Damayan Program ng Caritas Manila, na naglalayong magbigay ng tulong at ayuda sa mga mahihirap at nangangailangan.
Sa nagdaang taon, iniulat ng Simbahan na ang mga donasyon ay nakatulong sa mahigit sa 10,000 indibidwal para sa mga may problemang kaugnay sa malnutrisyon at nakaagapay para sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Noong Miyerkoles, ika-14 ng Pebrero, sinimulan na ng mga kapatid nating Katoliko sa buong mundo ang obserbasyon ng Kwaresma na magtatapos sa ika-31 ng Marso, 2024, Araw ng Pagkabuhay.| ulat ni EJ Lazaro