Magtutulungan ang Department of Agriculture (DA) at International Rice Research Institute (IRRI) para palakasin ang produksyon ng bigas sa bansa.
Nilagdaan na nina DA Secretary Francisco Tiu Laurel at IRRI Interim Director Dr Ajay Kohli ang isang Memorandum of Understanding para sa limang taong programa.
Pagsisikapan nilang gawin ang sustainable practices na magpapahusay sa ani, magpapababa ng production costs, mabawasan ang post-harvest losses, at mapabuti ang marketing.
Pahuhusayin din ang extension services at ang kapasidad ng public institutions sa pag-adopt sa farm technology, mga kasanayan at serbisyo.
Nagkasundo ang dalawang partido na tulungang paunlarin ang mga kasanayan at kaalaman ng Filipino research at extension workers.
Pipirma rin ang DA at IRRI ng magkahiwalay na kasunduan para sa mga partikular na panukala ng proyekto gamit ang DA-prescribed format.
Ang pagpopondo para sa mga proyekto, ay paghahatian ng magkabilang panig. | ulat ni Rey Ferrer