Tiniyak ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro sa Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang lahat ng Local Government Units (LGU) ay minobilisa para maibsan ang epekto ng El Niño sa bansa.
Ito’y matapos ang ikalawang pagpupulong ng Task Force El Niño kung saan sumang-ayon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa posisyon ng kalihim na dapat ay naka-align ang pagkilos ng lahat ng lokal na pamahalaan sa Whole of Nation Approach ng Pangulo sa pagtugon sa El Niño.
Paliwanag ni Sec. Teodoro, ang mga Local Chief Executive at mga Local Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) ang nasa pinakamagandang posisyon para malaman ang mga pangangailangan ng kani-kanilang mga komunidad sa panahon ng krisis.
Ayon sa kalihim ang Task Force El Niño ang mag-streamline ng lahat ng mga aksyon ng mga LGU upang tumugma ito sa pagnanais ng Pangulo na maging
“systematic, holistic, at results-driven” ang mga hakbang laban sa epekto ng El Niño. | ulat ni Leo Sarne