Minamadali na ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga hakbang upang mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ito ang inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) kasunod ng lumabas na survey ng OCTA Research kamakailan.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, kinikilala naman nila ang dagliang pangangailangan upang matugunan ang mga hamon na inilalatag ng OCTA gaya ng pagtugon sa inflation, food security, job creation, at poverty reduction.
Gayunman, binigyang-diin ni Balisacan na hindi naman nagpapabaya ang pamahalaan na matugunan ang mga kinahaharap na hamon ng bansa lalo’t inaasahan din ang matinding epekto ng El Niño sa mga susunod na buwan.
Pinaliwanag din ng kalihim na buhat nang umupo si Pangulong Marcos, unti-unti nang nakababawi ang ekonomiya ng bansa mula sa 9.5 percent contraction noong 2020 kung kailan tumama ang COVID-19 pandemic.
Aniya, unti-unti nang nalalampasan ng Pilpinas ang mga hamong ito at patunay nga riyan ang paglago ng ekonomiya noong isang taon gayundin ang dumaraming bilang ng mga Pilipinong may trabaho. | ulat ni Jaymark Dagala