Kinontra ni House Minority leader at 4Ps Party-list Representative Marcelino Libanan ang panukala ng National Economic and Development Authority (NEDA) na huwag nang pakuhanin ng legislative franchise ang mga telecommunications company.
Diin ni Libanan, ang pagkuha ng prangkisa sa Kongreso ay isa sa mga paraan upang mabantayan ang interes ng publiko.
Kaya hinding-hindi aniya nila isusuko ang kanilang kapangyarihan na bantayan ang telecommunications sector.
“We are determined to exercise our oversight powers to ensure the supply of dependable and affordable telecommunications services, including internet services, to the public at all times,” ani Libanan.
Sa kasalukuyan, lahat ng telecommunications company ay kailangan makakuha ng prangkisa sa Kongreso, na siyang binigyan ng kapangyarihan na maggawad, magbago, palawigin, o bawiin ito.
Paalala ng mambabatas na lahat ng radio airwave sa bansa ay pagmamay-ari ng Estado at ng publiko.
At ang Estado, sa pamamagitan ng Kongreso at National Telecommunications Commission, ay itinatalaga lamang ang frequency sa telecommunications firms.
“Let’s face it. Telecommunications is an extremely capital intensive business that requires massive investments over several years. But this should not discourage resolute new players who have the wherewithal to compete,” sabi ng mambabatas.
Ipinunto rin ni Libanan na marami nang prangkisa ang inaprubahan ng Kongreso sa mga nagdaang panahon.
Ngunit karamihan sa mga kompanyang ito aniya, ay ibinenta lang ang sarili o nakipag-merge sa PLDT Inc. o Globe Telecom Inc. | ulat ni Kathleen Jean Forbes