Nilinaw ni Senate Committee on Labor Chairperson Senador Jinggoy Estrada na ang mga empleyado lang na sumasahod ng minimum wage ang sakop ng panukalang ₱100 legislated wage hike.
Ayon kay Estrada, hindi saklaw ng panukalang dagdag sahod ang mga nasa managerial position.
Sinabi ng senador na isinulong nila ang panukalang ito dahil nakukulangan sila sa ipinatupad na ₱40 na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Lalo pa aniyang kulang ang daily minimum wage rate sa mga probinsya sa bansa.
Sa kabila ng panukalang ito, aminado si Estrada na kulang pa rin ang ₱100 na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa.
Gayunpaman, kailangan pa rin aniya nilang ikonsidera ang pagbalanse sa interes ng mga employer at mga empleyado.
Kasabay nito ang panawagan ng senador sa Kamara na magpasa na rin ng counterpart bill nitong ₱100 legislated wage hike.
Nakatakdang aprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang ₱100 legislated wage hike ngayong hapon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion