Nakatakdang repasuhin sa susunod na linggo ang executive order na nagbabago sa tariff rates para sa electric vehicles (EVs), kung saan posibleng maisama ang e-motorcycles sa listahan ng mga sasakyan na nakikinabang sa tax breaks.
Naunang sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Chief Arsenio Balisacan na ang Executive Order No. 12, series of 2022 na nagbibigay ng tax breaks sa ilang uri ng EVs ay magkakaroon ng mandatory review ngayong buwan.
Ang EO12 ay na-upload sa Official Gazette noong January 19, 2023, at nagkabisa noong February 20, 2023. Isasailalim ito sa pagrepaso simula February 21, 2024.
Ang EO12 ay inilabas upang palakasin ang Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA), sa layuning maisulong ang EVs sa bansa para matulungan itong maitulak ang green transport at mabawasan ang carbon emissions.
Maliban sa e-motorcycles, na hindi kasama sa tariff suspension at pinapatawan pa rin ng 30 percent import charge, ang iba’t ibang uri ng electric vehicles at mga component nito ay nakakuha ng mas mababang taripa sa ilalim ng EO12 mula sa dating 5 hanggang 30 percent sa kasalukuyang zero percent import duty.
Ang NEDA ang ahensiya na nagrekomenda sa pagpapatupad ng EO12 sa loob ng limang taon upang baguhin ang tariff rates para sa ilang EVs at mga parts at components nito.
Nagpahayag ng alalahanin ang EV industry stakeholders sa EO12 buhat nang simulan ito noong 2023, binigyang-diin na hindi makatarungan na i-etsa-puwera ang e-motorcycles sa mga tumatanggap ng tax breaks mula sa pamahalaan kahit na ang motorsiklo ang bumubuo sa karamihan sa mga motorista sa bansa, ayon sa datos mula sa Land Transportation Office (LTO).
Sa datos ng Statista Research Department, nasa 7.81 million private motorcycles at tricycles ang nakarehistro sa Pilipinas noong 2022.
Ito rin ang nagtulak kay Albay Rep. Joey Salceda na ihain ang House Bill 9573, na naglalayong rebisahin ang EO12, upang isama ang e-motorcycles ss EVs na nabibigyan ng tax breaks.
“Some 60 percent of electric vehicles are two-wheeled, meaning that the vast majority of electric vehicles do not benefit from the tax incentives granted under the law… encouraging electric cars while locking out electric motorcycles does not address congestion issues, but merely substitutes petroleum-fueled cars for their space on the road,” sabi ni Salceda sa kanyang bill.
“In order to address these issues, this proposal clarifies in its definition of terms that electric vehicles include two-wheeled vehicles. Additionally, the measure provides a zero-percent duty treatment on completely-built electric vehicles to accelerate the shift to these types of vehicles,” dagdag pa niya.
Sa isang pag-aaral noong 2021, natuklasan ng international consulting firm Frost & Sullivan na ang mga consumer sa Pilipinas ay nasasabik sa pagpapakilala sa EVs sa Pilipinas, sa patuloy na pagsusulong sa lumalawak na environmental awareness.