Malaki ang pasasalamat ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos lagdaan ang Republic Act No. 11977 o batas na magtatatag ng Pampanga State Agricultural University – Floridablanca Campus.
Ayon kay Arroyo, ang mabilis na pag-apruba sa batas ay nagpapatunay ng commitment ni Pangulong Marcos Jr. na maghatid ng dekalidad na edukasyon sa kolehiyo at mapagbuti ang buhay ng mga magsasaka.
Malaking tulong din aniya ito sa anim na bayan sa kanyang distrito na pawang pagsasaka ang ikinabubuhay.
Ang naturang kolehiyo ay magbubukas ng short-term, technical-vocational, undergraduate at graduate courses na pawang nakatuon sa agrikultura.
Pinagsasagawa rin ito ng research at extension services at production activities upang suportahan ang socio-economic development at progressive leadership sa lugar.
Positibo naman si Arroyo na lalago ang kita ng mga residente doon dahil sa access sa makabagong teknolohiya at research findings sa tulong ng mga mag-aaral. | ulat ni Kathleen Forbes