Nailigtas sa tulong ng mga tauhan ng BRP JOSE LOOR SR (PC390) ng Naval Task Force 61 (NTF61) ng Philippine Navy ang anim na sakay ng isang motor banca na tumaob sa karagatan ng Pangutaran Island, Sulu.
Base sa ulat, ang M/B Lorena ay bumibiyahe mula Mapun patungo sa Zamboanga City nang makaranas ng malakas na alon na naging sanhi ng pagtaob nito, 38 milya sa kanluran ng Pangutaran Island noong Sabado.
Isang Panama-Flagged Bulk Carrier na M/V Navios Lumen ang nasa lugar noong panahong iyon na agad sumaklolo sa tumaob na bangka at ni-report ang insidente sa mga awtoridad.
Idinispatsa ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM) ang LMS Bongao para tumulong sa rescue operation.
Pagdating sa lugar ng LMS Bongao, inilipat dito mula sa M/V Navios Lumen ang anim na biktima at pinakain bago dinala sa Lamion Wharf, Bongao, Tawi-tawi, para i-turn over sa MSSD Tawi-Tawi at MDRRMO Bongao.
Pinuri ni NFWM Commander Rear Admiral Donn Anthony Miraflor ang pagtutulungan ng Philippine Navy at dayuhang civilian vessel na bumabaybay sa karagatan ng Pilipinas para mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mandaragat. | ulat ni Leo Sarne
📷: NFWM