Hinikayat ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang Department of Agriculture (DA) na tiyakin na magpapatuloy ang suporta para sa mga magsasaka sa gitna ng babala ng malawakang tag tuyot.
Ginawa ng senador ang panawagan matapos ang pakikipagpulong sa mga magsasaka sa Rosales, Pangasinan.
Giit ni Revilla, ang mga magsasaka ang sektor na dapat na bigyan ng walang patid na atensyon at pagkalinga dahil sila ang nagbibigay ng pagkain sa atin.
Kasabay naman nito ay nagpahayag ng kumpiyansa ang mambabatas sa pamumuno ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Kinilala rin ni Revilla na may mga ginagawa nang hakbang ang DA sa ngayon para matugunan ang epekto ng El Niño, kabilang na ang pangakong cash at fuel vouchers para sa mga magsasaka.
Isinusulong ng senador ang pagpapasa ng inihain niyang Senate Bill 23 o ang panukalang Pantawid Magsasakang Pilipino Act, na layong bigyan ng direct cash assistance ang mga magsasaka lalo na ang mga mahihirap na rice farmers.
Dagdag pa aniya dito ang panawagan na para sa patas na alokasyon ng pondo para sa pagpapatayo ng mga farm-to-market roads. | ulat ni Nimfa Asuncion