Tiniyak ni Philippine Army Chief Lieutenant General Roy Galido na pangangalagaan ng Hukbong Katihan ang kapakanan ng mga pamilya ng anim na sundalong nasawi sa enkwentro nitong Linggo sa pagitan ng militar at Daulah Islamiyah sa Barangay Ramain, Munai, Lanao del Norte.
Kasabay ng pakikidalamhati sa mga pamilya ng mga sundalong nag-alay ng buhay, siniguro din ng heneral, na makatatanggap sila ng kaukulang benepisyo at tulong; gayundin ang apat na sundalong sugatan sa enkwentro na kasalukuyang nagpapagaling.
Ayon kay Gen. Galido, bagamat nakalulungkot ang nangyari, ang sakripisyo ng mga sundalo ay lalong nagpatatag ng determinasyon ng Philippine Army na wakasan na ang lahat ng teroristang grupo sa bansa.
Samantala, pinuri naman ni 1st Infantry Division Commander Major General Gabriel Viray lll ang mga tropa ng 44 Infantry Battalion, 7th Scout Ranger Company at 8th Scout Ranger Company sa kanilang tapang at dedikasyon sa pakikipagsagupaan sa Daulah Islamiya sa Lanao del Norte.
Tatlo namang miyembro ng Daulah Islaniyah ang kumpirmadong nasawi at ilan ang sugatan sa naturang enkwentro; at narekober ng militar ang isang bangkay ng kalaban, at ilang armas, kabilang ang isang M16, isang M14 rifle, at isang M203 grenade launcher. | ulat ni Leo Sarne