Nadagdagan pa ang bilang ng mga pamilyang apektado ng malakas na pag-ulan at pagbaha dulot ng trough o extension ng low-pressure area (LPA).
Batay sa pinakahuling datos mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, as of February 19, umabot na sa higit kalahating milyong pamilya o katumbas ng dalawang milyong indibidwal ang apektado sa Mindanao.
Mula ito sa 927 na barangay sa Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at BARMM.
Sa kasalukuyan, mayroon pa ring higit sa 800 pamilya ang nanunuluyan sa 28 evacuation centers dahil sa sama ng panahon.
Walang patid pa rin naman sa paghahatid ng tulong ang DSWD sa mga apektadong pamilya buhat ng mga pag-ulang dulot ng trough o extension ng LPA.
Umakyat na sa higit ₱257-milyon ang halaga ng relief assistance na naipamahagi sa mga apektadong residente.
Bilang karagdagang tulong, naghatid pa ang DSWD ng 40,800 family food packs (FFPs) na tinanggap ng DSWD Field Office (FO)-11 sa Globalports Davao Terminal. | ulat ni Merry Ann Bastasa