Nag-ikot sa mga barangay ang mga tauhan ng Quezon City Health Department at QC Epidemiology at Surveillance Division upang magkasa ng dengue case investigation sa mga lugar na mataas ang kaso ng dengue.
Kasama sa pinulong ng mga Disease Surveillance Officer ang mga opisyal ng Barangay Sikatuna Village upang pag-usapan ang sitwasyon ng sengue case ng nasabing barangay.
Tinalakay ni Dr. Marlon Molano, Medical Officer III ng Quezon City Health Department ang mga mahahalagang konsepto ng Dengue Awareness at Prevention.
Mahalaga aniya na malaman ng mga lider ng komunidad kung paano nakukuha ng isang tao ang dengue virus, mga sintomas nito, gayundin ang mga paraan upang palakasin ang resistensya ng isang taong may dengue.
Bahagi ng mga plano ng barangay na patuloy pang magsagawa ng clean-up drive upang masira ang mga pinamumugaran ng mga lamok.
Mamamahagi rin ng leaflets at Dengue Awareness posters tungkol sa kahalagahan ng 5S Kontra Dengue.
Isinagawa ang pulong matapos magkaroon ng pagtaas sa kaso ng dengue sa nasabing barangay.
Ayon sa datos ng QC Epidemiology and Surveillance Division (QCESD), umabot na sa 469 ang bilang ng mga tinatamaan ng dengue mula January 1 hanggang February 10, 2024.
Mula sa bilang na ito, 102 ang kaso ng dengue sa District 4 kung saan 12 ay naitala sa Barangay Sikatuna Village.
Patuloy naman ang paalala ng pamahalaang lungsod sa mga residente na agad magtungo sa pinakamalapit na health center o ospital kung may makita o maramdamang sintomas ng dengue. | ulat ni Merry Ann Bastasa