Binalaan ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo na magbababa muli sila ng Contempt Order laban sa isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) kung patuloy na hindi tatalima sa hiling ng komite.
Ito’y matapos mabigo si Police Colonel Lynette Tadeo, ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) ng PNP na magsumite ng listahan ng mga nasibak na pulis.
Ang naturang listahan ay hiningi ni 1-Rider Partylist Representative Bonifacio Bosita noong nakaraang pagdinig.
Paliwanag ni Tadeo, hindi nila ito maaari ipresinta dahil sa Data Privacy Act of 2012.
Pero giit ni Antipolo Represebtative Romeo Acop, vice chair ng komite, mayroong mga exemption sa RA 10173 at kasama rito ang ginagawa nilang pagdinig.
“This body has Constitutional and statutory mandate. Sabihin mo sa boss mo. Sinasabi ko na nga basahin nyo kasi ang batas na sinasabi niyo. Hindi naman absolute may exemption. Baka akala niyo hindi kami nagbabasa dito eh,” sabi ni Acop.
Dito sinabi ni Tulfo na maaaring madagdagan ang mga tauhan ng PNP na ipapa-contempt ng Kamara kung muling mabibigo ang opisyal na magsumite ng listahan.
“May I remind our officials from the PNP that this is a congressional inquiry, this is not a talk show, this is not a press conference na pwede nyong i-withhold (ang mga impormasyon)… kasi baka ang sumunod dito kayo ang ma-contempt for not following instructions from the committee. Huwag niyo po balewalain ang committee na ito,” sabi ni Tulfo.
Sinabi pa ni Tulfo na maaaring isipin ng publiko na mayroong itinatago o pinagtatakpan ang PNP kaya ayaw nitong magbigay ng listahan.
“Sa ginagawa nyong yan, may mga media tayo na nagko-cover ngayon. Lumalaki ang kaso iisipin na naman na nagkakaroon tayo ng stereotyping. Na every time na may kasalanan ang mga kabaro niyo ay pinagtatakpan ng liderato,” saad ni Tulfo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes