Matapos magserbisyo sa Davao del Norte, nagtungo naman ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Humanitarian Team sa Agusan del Sur.
Ito ay upang maghatid ng tulong sa mga pamilyang apektado ng malawakang pagbaha na dulot ng low pressure area.
Ayon sa MMDA, dala ng grupo ang solar-powered water filtration units para makapagbigay ng malinis na inuming tubig sa mga residente sa ilang barangay sa probinsya.
Ang bawat unit ng solar-powered water filtration system ng grupo ay kayang makapagsala ng 180 na galon ng tubig kada oras.
Kabilang sa mga barangay na kanilang naserbisyuhan ang Barangay New Visayas, Erbo, at Lapinigan sa San Francisco, Agusan Del Sur.
Matatandaang nagpadala ang MMDA ng 30-man contingent bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magtungo sa Agusan Del Sur para makita ang sitwasyon sa mga binahang lugar pati na rin ang kalagayan ng mga residente na naapektuhan ng malawakang pagbaha. | ulat ni Diane Lear
📷: MMDA