Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi nila isinasara ang kanilang pintuan sa rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) na gawin na lamang bigas ang P600 na monthly rice subsidy na natatanggap ng 4Ps beneficiaries.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, na iminungkahi ng NEDA na magsagawa muna ng cost analysis.
Kailangan kasi aniyang tiyakin na hindi bababa ang value ng tulong na ibibigay ng pamahalaan, at hindi mahihirapan ang 4Ps beneficiaries sa pagkuha ng tulong, lalo’t ang iba sa mga ito, sa mga bundok o liblib na lugar pa magmumula.
“One thing for sure – pinag-aaralan… hindi tayo sumusuko doon para ma-achieve rin natin na matulungan iyong mga producers natin na magsasaka. Pero pangalawa, tulad ng laging sinasabi ng Presidente, ang tulong hindi dapat pinahihirapan ang ating mga kababayan. So doon naman… that’s where we draw the line – meaning kapag alam namin na lalo lang mahihirapan iyong ating mga benepisyaryo, hindi natin itutuloy.” —Secretary Gatchalian.
Hindi aniya nila susukuan ang pag-aaral sa mungkahing ito, lalo’t nais rin naman nilang makatulong sa rice producers.
Gayunpaman, ang pamahalaan, naniniwala na hindi rin aniya dapat nahihirapan ang mga benepiyaryo sa pagkuha ng tulong ng gobyerno.
“I told the President we will continue studying but the President also said na baka logistically mahirapan so nandoon muna tayo. We’re not saying no, studies are ongoing pero taking into account the logistics na kailangan para hindi mahirapan ang ating mga kababayan.” — Secretary Gatchalian. | ulat ni Racquel Bayan