Handang gumastos ng ₱5.56 bilyon ang Clark Water para sa service improvement projects na obligasyon nito sa mga customer pati na ang pagsunod sa regulatory requirements.
Ang Clark Water ay subsidiary ng Manila Water Philippine Ventures at nag-iisang water at wastewater service provider ng Clark Freeport Zone.
Sinabi ni Manila Water Philippine Ventures Chief Operating Officer at Clark Water Corporation President Melvin John Tan ang CAPEX allocation ay magbibigay daan sa pagbuo ng bagong imprastraktura na naka-angkla sa water security, service quality, accessibility at pagpapatuloy ng serbisyo.
Ito’y alinsunod sa 2023-2040 Service Improvement Plan ng business unit na iniharap sa public consultation para sa 2022 rate rebasing.
Suportado ng Clark Water ang layunin na gawing pangunahing business at tourism destination ang Clark Freeport Zone sa pamamagitan ng pagbibigay sa locators ng dekalidad at sustainable water at wastewater service .
Sa pamamagitan nito, magpapatuloy ang Clark Water sa mga source development program nito upang mapataas ang kasalukuyang supply ng 22%.
Nakatakda ring magsimula ito sa paggalugad ng sustainable water sources at water re-use.
Nangako pa ang business unit na magtatayo pa ng karagdagang sewer network at magpatupad ng epektibong maintenance at rehabilitation ng kasalukuyang network. | ulat ni Rey Ferrer