Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na patuloy itong tatalima sa international aviation standards upang mas maging maayos ang operasyon ng mga paliparan sa bansa.
Ito ang sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa pagbubukas ng Philippine Pavilion sa Singapore Airshow 2024 ngayong araw.
Ayon kay Bautista, isang hamon para sa DOTr na mapanatili ang pagsunod sa international aviation standards upang matiyak ang maayos na biyahe ng mga pasahero at murang cargo transport.
Ibinida rin ng kalihim sa ginanap na airshow ang ilang mahahalagang hakbang sa aviation sector ng bansa gaya ng matagumpay na bidding para sa modernisasyon ng Ninoy Aquino International Airport.
Pinabubuti rin aniya ng DOTr ang inter-island at inter-country mobility sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga regional airport sa buong bansa.
Kasabay nito ay inimbitahan ng transport chief ang mga aviation school na ikonsidera na magtayo ng mga paaraalan na malapit sa mga air hub ng bansa, lalo pa aniya at kailangang i-upgrade ang aviation traning curriculum para mapanatili ang mataas na kalidad ng mga Pilipinong aircraft technicians at mechanics. | ulat ni Diane Lear