Itinanggi ni ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo ang mga lumalabas na alegasyon hinggil sa paggamit umano ng pondo ng kanyang proyektong AKAP sa pagsusulong ng charter change.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Tulfo na naisip niya ang programang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP noon pang nasa DSWD siya at noong panahon aniya na ‘yon ay wala pang usapin ng charter change o People’s Initiative.
Nakausap na rin aniya ni Tulfo ang liderato ng Kamara hinggil sa naturang isyu at pinabulaanan na aniya ito sa kaniya ng mga mambabatas.
Aniya, layon ng programa na bigyan ng ayuda ang mga nasa working class dahil laging ‘poorest of the poor’ lang ang natutulungan ng pamahalaan.
Umaasa si Tulfo na hindi magagamit sa polika ang ang AKAP dahil maganda ang layunin nito para sa bayan.
Matatandaan na una nang kumalat ang isyu na gagamitin lang ang pondo ng AKAP para pondohan naman ang charter change. | ulat ni Lorenz Tanjoco