Hinikayat ni Speaker Martin Romualdez ang mga kabataan na samantalahin ang pagbubukas ng voter’s registration at magparehistro.
Para sa House leader, dapat ay aktibong makibahagi ang mga kabataan sa democratic process lalo na ngayong papalapit na 2025 midterm elections.
Pebrero 12 nang buksan ng Commission on Elections ang pagpaparehistro para sa 2025 midterm elections na magtatapos naman sa Setyembre 30 ngayong taon.
Muli ring ikinasa ng poll body ang Register Anywhere Program o RAP upang mas mapadali ang access ng publiko sa registration sites gaya ng COMELEC offices at satelites, mall, at special registration area tulad ng simbahan at plaza.
Bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga batang botante sa paghubog ng bansa, binigyang diin ni Speaker Romualdez ang importansya ng kanilang pakikibahagi sa electoral process.
Aniya, hindi lang ito bahagi ng tungkulin bilang miyembro ng lipunan bagkus ay paraan upang marinig ang kanilang mga tinig para sa pagbabago.
“The youth are the backbone of our nation’s future. Their active participation in the upcoming elections is crucial in ensuring that their concerns, aspirations, and vision for the country are represented and addressed by our leaders,” saad ni Romualdez na pinuno ng mahigit tatlong daang miyembro ng Kamara de Representantes.
Ayon sa COMELEC, nagkaroon ng malaking pagtaas sa bilang ng nagpaparehistrong kabataan.
Magkagayonman, malaking bilang pa rin ng mga kabataan na eligible bumoto ang hindi pa nagpaparehistro.
Plano naman ni Romualdez na maglunsad ng serye ng voter registration drive at pagbibigay impormasyon sa mga institusyong pang akademiya, youth organization at mga komunidad sa buong bansa upang mas mahikayat ang mga kabataan na magpareshistro.
Inaasahan ng poll body na aabot sa tatlong milyong Pilipino ang magpaparehistro bilang bagong mga botante para sa 2025 elections. | ulat ni Kathleen Forbes