Hindi dapat magtago si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader pastor Apollo Quiboloy kung talagang hindi ito guilty.
Ito ang pahayag ni Senador Sherwin Gatchalian kasundo ng paglalabas ng subpoena ng Senado kay Quiboloy at pagmamandato ditong dumalo sa susunod na pagdinig tungkol sa mga alegasyon ng pang-aabuso laban sa kanya.
Ayon kay Gatchalian, ang pagtatago ay senyales na guilty ang isang indibiwal.
Kaya naman mainam aniyang respetuhin na lang nito ang proseso at humarap sa Senado dahil hindi naman ito korte na agad na magbibigay ng desisyon sa mga akusasyon laban sa kanya.
Pinunto rin ng senador na wala pa namang warrant of arrest o extradition laban kay Quiboloy kaya wala itong dapat ikatakot sa pagdalo sa pagdinig ng Senado.
Hindi rin aniya papayagan ng Senado ang pagdalo nito online.
Babala ni Gatchalian, kapag hindi sumunod si Quiboloy sa subpoena ng Senado ay mapipilitan ang mataas na kapulungan na makipag-uganayan na sa PNP para tumulong na hanapin siya. | ulat ni Nimfa Asuncion