Bumuo ang Department of Agriculture (DA) ng technical working group (TWG) upang tumulong sa mga mambabatas sa pag-amyenda ng Anti-Agricutural Smuggling Act of 2016.
Itinalaga ni Agriculture Secretary Tiu Laurel, Jr. si Atty. Paz Benavidez II, ang DA Assistant secretary for regulations, bilang tagapamuno ng walong miyembro ng technical working group.
Nabatid na pinabibilis na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr ang pagpasa sa bagong panukalang batas kung saan isasama bilang economic sabotage ang price at supply manipulation sa mga produktong agrikultura at tataasan ang mga parusang ipapataw sa mga mapatutunayang magkakasala dito.
Batay sa umiiral na batas sa kasalukuyan ay tumutukoy lamang sa large-scale smugglers bilang economic saboteurs at may parusang habang buhay na pagkakabilanggo at multang doble sa halaga ng ipinuslit gaya ng asukal, mais, karne ng baboy, sibuyas, at bawang na maikukunsiderang malakihan kapag ang halaga ng kontrabando ay nasa P1 million, at minimum na P10 million sa ipinuslit na bigas.
Ayon kay Secretary Laurel, bagamat magkaiba ang bersiyon ng Kamara at Senado sa aamiyendahang batas, kasama sa kanilang panukala na isama bilang economic sabotage ang hoarding, profiteering at cartel ng mga produktong agrikultura at taasan ng triple ang multa sa halaga ng mga ipinuslit na produkto ng mga ito.
Umaasa naman ang mga mambabatas na sa pamamagitan ng mas mabigat na parusa ay mababawasan ang smuggling ng mga produktong agrikultura. | ulat ni Diane Lear