Ilulunsad na sa darating na Miyerkules, Pebrero 28, 2024 ang Mega Job Fair at One-Stop Shop ng Pamahalaang lungsod ng Pasig.
Gaganapin ang job fair sa Pasig City Hall Quadrangle, simula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Ngayon pa lang, nanawagan na ang pamahalaang lungsod sa mga first time job seekers na samantalahin ang pagkakataong ito.
Halos 60 local at overseas companies ang magbubukas ng oportunidad para sa mga taga-Pasig na naghahanap ng trabaho.
Pinapayuhan ang mga first-time jobseeker na nais mag-avail ng libreng pagkuha ng police clearance o kaya naman pagpaparehistro sa BIR, Pag-IBIG, PhilHealth, at SSS, na magdala ng kanilang Barangay Certification at valid ID.
Ang aktibidad na ito ay inisyatiba ng Public Employment Service Office (PESO) ng Pasig LGU, sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang sangay ng national government at partner employers. | ulat ni Rey Ferrer