Matagumpay na naaresto ng mga awtoridad sa pangunguna ng Bureau of Immigration (BI) ang sinasabing isang Indonesian human trafficker na kapwa tinutugis rin ng mga awtoridad sa Jakarta sa isang lugar sa Makati City.
Kinilala ang suspek na si Aris Wahyudi a.k.a. Romeo, 43 taong gulang, na may pending na warrant of arrest sa Indonesian Police na inilabas pa noong ika-18 ng Enero dahil sa mga salang kaugnay ng human trafficking.
Sa pamamagitan ng impormasyon mula sa pamahalaan ng Indonesia, agad na naglabas ng isang mission order si Immigration Commissioner Norman Tansingco para sa pag-aresto kay Wahyudi dahilan upang mahuli ito ng BI fugitive search unit (FSU).
Sinasabing nag-o-operate si Wahyudi ng isang human trafficking syndicate na nagre-recruit at nagpopondo sa mga Indonesian nationals para sa ilegal na magtrabaho sa Cambodia ng walang kaukulang work permit.
Dagdag pa rito, ang pananatili ni Wahyudi sa bansa kahit paso ng ang pasaporte nito noong Agosto pa nang nakaraang taon.
Sa kasalukuyan, nanatili si Wahyudi sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City kung saan inaasahang maglalabas ang BI board of commissioners ng order para sa kanyang deportation. | ulat ni EJ Lazaro