Pinangunahan ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai ang inspeksyon sa tatlong proyektong pabahay sa Rehiyon 12 kahapon.
Unang binista ni GM Tai ang Banga Resettlement Project sa Barangay Benitez, Banga, South Cotabato at Koronadal Cityville Project Phase I sa Barangay New Pangasinan, Koronadal, South Cotabato.
Ang pabahay projects ay bahagi ng mas pinalakas na programang pabahay ng ahensya para sa mga Pilipino.
Isinakatuparan ito sa ilalim ng Resettlement Assistance Program nito para sa mga local government units para sa informal settler families na naninirahan sa mapanganib na mga lugar gaya ng Bolok Creek.
Ang Koronadal Cityville Project Phase I, na naisapinal sa pagitan ng LGU-Koronadal noong April 2021, ay binubuo ng 170 row-house type na mga yunit.
Binisita rin ni GM Tai ang Himaya Residences sa Barangay Lagao, General Santos City na parte ng Government Employees Housing Program (GEHP) ng ahensya.
Kasama sa proyektong pabahay na ito ang land acquisition, land development, at konstruksyon ng nasa 349 na kabahayan kung saan 200 ay 2-storey duplex type unit at 149 loft row-housing units. | ulat ni Rey Ferrer