Tinatayang aabot sa ₱8 milyong piso ang ipinagkaloob ng pamahalaan ng Estados Unidos sa bansa, sa pamamagitan ng USAID, para sa pagpapalakas ng higher education programs para sa mga out-of-school youth.
Ayon sa Embahada ng Estados Unidos dito sa Pilipinas, apat na higher education institutions ang nabahagian ng nasabing grant.
Kasama sa mga awardee ng grant ay ang De La Salle-College of Saint Benilde at Ferndale College na tumanggap ng ₱2.5 milyon bawat isa para sa mga proyekto nito na kaugnay ng mga out-of-school youth at food security.
Kapwa tumanggap naman ng ₱1.5 milyon ang Quezon City University at School of Knowledge for Industrial Labor, Leadership, and Service, Inc. (SKILLS) sa Cebu City para rin sa mga out-of-school youth dagdag pa ang pagpapalawak ng kanilang executive training course.
Ang nasabing grant ay nasa ilalim ng programang Opportunity 2.0 ng USAID kung saan aabot na sa 70,000 kabataan ang nakinabang sa pamamagitan ng mga technical-vocational programs ng TESDA at Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd). | ulat ni EJ Lazaro