Iniutos ni Negros Oriental Governor Manuel “Chaco” Sagarbarria na tanggalin na ang itinakdang ban o ang pagbabawal sa pagpasok ng buhay na baboy, produktong mula sa baboy bilang pag-iingat noong kasagsagan ng krisis sa African Swine Fever (ASF).
Layunin ng Executive Order No. 10 series of 2024 na pinirmahan ni Sagarbarria na salbahin ang naghihingalong lokal na industriya ng baboyan sa lalawigan bunsod ng ASF na ininda ng buong bansa.
Ayon sa gobernador, ang pagbabalik normal na operasyon ng hog industry sa lalawigan ang tanging hakbang na nakikita ng kaniyang pamunuan matapos ang konsultasyon sa mga stakeholders.
Dahil dito, umaasa ang kapitolyo ng Negros Oriental na makakatulong ito sa mga magbababoy sa kanilang lalawigan maging ng karatig-lalawigan sa Central Visayas, Western Visayas, at Mindanao na dati nang nakakatransaksyon ng kanilang probinsya sa industriya.
Matapos ilabas ng kautusan ng gobernador, malaya nang muling makapasok sa Negros Oriental ang baboy at produkto nito mula sa labas ng lalawigan.
Kailangan lamang na sundin ang mga basic requirements na itinakda ng Bureau of Animal Industry (BAI) at Department of Agriculture (DA).
Umaasa si Sagarbarria na ang ibang lalawigan ay susunod din sa ginawang pagtatanggal ng ban upang mas madama ng buong bansa ang pagbangon ng hog industry. | ulat ni Jessa Agua-Ylanan | RP1 Cebu