Hinihikayat ng Civil Service Commission (CSC) ang government agencies sa Metro Manila na gamitin ang mga polisiya sa Flexible Working Arrangements (FWAs) sa gobyerno.
Ang hakbang na ito ay bilang suporta sa kasalukuyang inisyatiba ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para mapabuti ang sitwasyon ng trapiko.
Ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles, layon ng flexi work schemes na isulong ang mahusay at epektibong pagganap ng mga tungkulin ng pamahalaan sa kabila ng disruptive situations, kabilang ang lumalalang sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila
Sabi pa ni Nograles ang National Capital Region ang may pinakamalaking bilang ng government workers sa bansa, na may 440,009 o 22.30% ng career at non-career personnel.
Sa ilalim ng CSC Memorandum Circular No. 6, maaaring piliin ng mga government agency na gamitin ang alinman sa anim na Flexible Working Arrangements (FWA.)
Ito ay ang Flexiplace, kasama sa arrangements ang work from home, work from satellite office, o work from another fixed place set-ups. Pangalawa ang compressed workweek, skeleton workforce, work shifting at Flexitime.
Panghuli, maaaring gamitin ng mga ahensya ang kumbinasyon ng alinman sa mga nabanggit na FWA na naaangkop sa mandato o mga tungkulin ng ahensya. | ulat ni Rey Ferrer