Nasa mahigit 150k na mga indibidwal ang dumalo sa isinagawang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Isulan, Sultan Kudarat.
Kasama ang halos 50 kongresista at mga opisyal ng pamahalaan, pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang nasabing aktibidad.
Iniaalok ng 55 participating national agencies sa dalawang araw na Serbisyo Fair ang nasa 329 na programa at serbisyo para sa mga kababayan mula sa probinsya ng Sultan Kudarat at maging sa mga karatig probinsya.
Ibinalita ni Sultan Kudarat Governor Datu Pax Ali Mangudadatu na simula pa lamang ito ng pagbibigay ng serbisyo sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Kabuuang P1.2 billion halaga ng serbisyo ang iaabot sa mga kababayan para sa pagpapatuloy ng economic activity sa buong SOCCSKSARGEN Region, kasama na rito ang P200 million cash assistance mula sa mga ahensya na may financial assistance, P150 million sa ilalim ng Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) at marami pang iba.
Mamahagi rin ang probinsya ng kalahating milyong kilo ng bigas para sa mga benepisaryo.
Siniguro naman ni Governor Mangudadatu na buo at magpapatuloy ang suporta nito sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa katatagan ng probinsya at kaayusan at kapakanan ng buong mamamayan. | ulat ni Sheila Lisondra | RP1 Davao