Pinuri ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang mga tropa sa sunod-sunod na tagumpay laban sa mga teroristang komunista at local terrorist groups sa mga nakalipas na araw.
Partikular na kinilala ni Gen. Brawner ang 47th Infantry Battalion, 302nd Brigade, sa pagkaka-nutralisa ng lider ng CPP-NPA Bohol Party Committee at apat na iba pang terorista sa Bilar, Bohol, noong Biyernes.
Gayundin ang 44th Infantry Battalion, sa pagkakanutralisa ng 18 miyembro ng Daulah Islamiyah, kabilang ang umano’y mastermind sa Mindanao State University Bombing, kamakailan.
Kabilang pa sa mga military unit na pinuri ng AFP Chief sa kanilang matatagumpay na operasyon sa kani-kanilang area of responsibility ang: 49th, 29th, 30th, at 79th Infantry Battalions; at 502nd Infantry Brigade.
Mula sa simula ng taon hanggang Pebrero 15, nasa 223 Communist Terrorist Group (CTG) members at 18 Local Terrorist Group (LTG) members na ang na-nutralisa at daan-daang armas ang narekober ng militar. | ulat ni Leo Sarne