Nagkaroon ng pagpupulong ang mga senador kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw sa Malacañang at pangunahing napag-usapan ang panukalang pag-amyenda sa economic provision ng Konstitusyon.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, muling iginiit ng Punong Ehekutibo sa naturang pagpupulong na dapat ang Senado ang manguna sa economic chacha.
Mismong si Pangulong Marcos rin aniya ang nagpahayag na nais nitong isabay ang plebesito para sa economic chacha sa 2025 midterm elections.
Pinapaaral rin aniya ni Pangulong Marcos kay Senate Subcommittee on Constitutional Amendments Chairman Sonny Angara ang ligal na hakbang para makumbinsi ang Comelec na maisama sa 2025 ballot ang rider question tungkol sa pag-amyenda sa economic provision ng Saligang Batas.
Binigyang diin ni Zubiri na best effort na matapos ng Senado ang talakayan tungkol sa economic chacha bago ang sine die adjourment ng Kongreso sa May 25.| ulat ni Nimfa Asuncion