Inamin ngayon ng Philippine Navy na maging sila ay nakararanas ng tinatawag na “cyber interference” sa tuwing sila’y magsasagawa ng Rotation and Re-supply mission sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Roy Vincent Trinidad sa isinagawang pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo ngayong araw, Pebrero 27.
Sinabi ito ni Trinidad kasunod ng kumpirmasyon ng Philippine Coast Guard na nakaranas sila ng “cyber interference” o signal jam mula sa mga Tsino habang nagpapatrolya sa nasabing karagatan.
Gayunman, sinabi ni Trinidad na sa kanilang panig, hindi nila makumpirma kung nagmula sa China ang naturang “cyber interference”.
Pero nilinaw ni Trinidad na hindi ito maituturing na naka-aalarma para maparalisa ang operasyon ng mga barko ng Pilipinas subalit aminado siyang may epekto ito sa komunikasyon.
Dagdag pa niya, hindi lang mga barko ang inaabot ng “cyber interefence” kundi maging ang mga land-based vehicle ng militar.
Sa ngayon, may sinusunod na “communication protocol” ang Navy sa kabila ng mga “cyber interference” para matiyak na walang makukuhang impormasyon mula sa bansa. | ulat Jaymark Dagala