Kailangang masiguro na patuloy na ituturo sa mga paaralan sa bansa ang Philippine history kahit pa buksan ang education sector sa foreign ownership.
Ayon kay Senate Subcommittee on Constitutional Amendments Chairperson Senador Sonny Angara, ito ang binibigyang diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naging meeting nila kahapon sa Malacañang.
Isa ang pagbubukas ng sektor ng higher education sa ipinapanukalang amyenda sa economic provision ng Saligang Batas o ang resolution of both houses no. 6 na tinatalakay ng komite ni Angara.
Ibinahagi ni Angara, na ipinahayag rin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan na protektahan ang mas strategic industries sa pagsusulong ng economic chacha.
Kinumpirma rin ng senador ang pagiging bukas ng punong ehekutibo sa mungkahi niyang isabay sa 2025 elections ang plebesito para sa economic chacha, nang makatipid sa gastusin ang pamahalaan. | ulat ni Nimfa Asuncion