Bumisita sa Senado ngayong araw si dating United Nations (UN) Secretary General Ban Ki-moon.
Sa plenary session ngayong hapon, pinagtibay ng Senado ang Senate Resolution 929 na kumikilala sa naging kontribusyon ni Ban sa global diplomacy, peacekeeping efforts at sustainable development.
Nasa Pilipinas ngayon ni Ban Ki-moon para sa isang three-day visit.
Ang pagbisita ni Ban sa Senado ay kasabay rin ng adoption ng Senado sa Senate Resolution 936 o ang pagsang-ayon ng Senado sa ratipikasyon ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at ng Global Green Growth Institute (GGGI).
Si Ban ang nagsisilbi ngayong Assembly President at Council Chairman ng GGGI – isang international organization na nagtataguyod ng sustainable economic growth sa mga developing countries.
Sinuspinde naman ng Senado ang kanilang rules para mapahintulutang makapagsalita si Ban Ki-moon sa plenaryo at makapagpasalamat sa pagkilalang iginawad ng Senado sa kanya.
Sa kanyang speech, binigyang diin ni Ban na marami pang kailangang gawin para makamit ang 17 sustainable goals bago ang 2030 target deadline date gayundin para matupad ang mga itinatakda sa paris cliamte change agreement.
Pinunto rin ni Ban na ngayong Linggo, March 3, gugunitain ang ika-75 anniversary ng bilateral relations ng Pilipinas at South Korea.
Umaasa si Ban na mas lalalim at lalawak pa ang relasyon ng ating mga bansa.
Siyam na taong nagsilbi bilang UN secretary general si Ban – mula taong 2007 hanggang 2016.| ulat ni Nimfa Asuncion