Ilang araw bago ang panibagong Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) ay naglabas ng ilang paalala ang Civil Service Commission (CSC) para sa daan-daang libong indibidwal na kukuha ng pagsusulit sa linggo, March 3.
Ayon sa CSC, ngayong nakapaskil na sa Online Notice of School Assignment (ONSA) ang testing venue o school assignment ng examinees, mas mainam kung mabibisita na ito ng mas maaga para maging pamilyar sa direksyon at travel time.
Sa araw ng pagsusulit, dapat ay maagang nasa testing venue ang examinee dahil magsasara ng 7:45am ang mga testing venue at hindi na papapasukin ang mga late.
Kailangan ding ihanda ang valid ID, black pen, at alcohol o sanitizer na hindi tataas sa 10ml ang sukat.
Magsuot ng proper attire gaya ng plain white shirts. Bawal ang sleeveless shirt/blouse, shorts/short pants, tokong pants, ripped jeans, at naka-tsinelas.
Hindi hinihikayat ang pagdadala ng cellphone, camera o anumang gadget na maaaring magamit pang-record ng exam gayundin ang mga calculator at test booklets na maaari namang gamiting kodigo ng examinee.
Matapos ang exam sa March 3, target ng CSC na ilabas ang resulta nito sa kanilang website sa May 12, 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa