Bagamat nagpahayag ng pagiging bukas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa posibilidad na pagsabayin na lamang ang plebisito para sa charter change at local elections sa 2025, inihayag ng Chief Executive na kailangan pa din itong pag-aralan.
Sa ambush interview kay Pangulong Marcos Jr. sa Villamor airbase, sinabi nitong baka maaari ay pagsabayin na lamang ito sa halip na paghiwalayin lalo’t maikukunsiderang parang dalawang eleksyon na ang mangyayari kapag nagkataon.
Malaking bagay aniya kung gawin na lang na sabay ang plebisito sa May 2025 Elections gayung malaki ang mamemenos dito ng pamahalaan.
Napakamahal ayon sa Pangulo kung magiging bukod pa ang plebisito at ang nakatakdang eleksyon sa susunod na taon.
Ganunpaman, inihayag ng Chief Executive na dapat itong pag-aralan gayung maaaring may legal consequence sa usapin lalo’t iba ang plebisito kaysa sa eleksyon. | ulat ni Alvin Baltazar