May itinuturing nang Persons of Interest ang pamahalaang lungsod ng Marikina na posibleng nasa likod ng hacking sa kanilang Facebook page.
Sa panayam kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, sinabi nito na nasa dalawa hanggang tatlong indibidwal ang kanilang tinitingnan na nasa likod nito.
Aniya, target ng mga ito na i-sabotahe ang pagbibigay serbisyo ng LGU lalo’t lumalabas sa kanilang imbestigasyon na taga-loob o may koneksyon sa LGU ang mga binabantayang indibidwal.
Kasunod nito, dumulog na rin sila sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot.
Samantala, gumawa na ngayon ng bagong Facebook page ang Marikina Public Information Office para sa paglalabas ng mga anunsyo at impormasyon.
Hanapin lamang ang Facebook page na “Taga-Marikina Ako.” | ulat ni Jaymark Dagala