Naglaan ang pamahalaan ng ₱106.335 bilyon para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development na naglalayong tulungan ang mahigit 4.4 milyong karapat-dapat na pamilya sa buong bansa.
Binigyang-diin ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, na ang ₱106.335 bilyong inilaan sa 4Ps ay mas malaki kumpara sa inilaang budget para rito noong 2023 na ₱102.610 bilyon.
Sakop ng nasabing alokasyon ang mga ayuda para sa kalusugan na nagkakahalaga ng ₱750 bawat buwan, at ₱600 bawat buwan bilang mga subsidiya sa bigas para sa 4.4 milyong pamilya.
Sakop din nito ang mga subsidiya sa edukasyon, na magkakaiba mula ₱300-₱700 bawat buwan para sa mahigit pitong milyong mag-aaral.
Matatandaan na noong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inatasan niya ang DSWD na tiyakin ang mga karapat-dapat lamang na pamilya ang kasali sa 4Ps program.
Bukod dito, nangako ang Pangulo ng iba’t ibang mga hakbang kabilang ang pagpapalakas ng mga programa ng tulong, at pagtitiyak ng sapat na budget para sa mga mahihirap na sektor.
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay isang strategy ng pamahalaan sa pagbabawas ng kahirapan, at isang programa ng pamumuhunan sa human capital na nagbibigay ng kondisyonal na cash transfers sa mga higit na nangangailangang pamilya sa loob ng pinakamataas na pitong taon, upang mapabuti ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad hanggang 18. | ulat ni Michael Rogas