Nais paimbestigahan ni Senador JV Ejercito sa Senado ang umano’y ayuda scam sa TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa isang privilege speech, inilantad ni Ejercito ang pagkakaltas sa dapat sanang ₱7,500 na benepisyo mula sa TUPAD na layung tulungan ang mahihirap.
Iprinisinta ng senador ang video footage ng isang biktima mula sa Brgy. Balongbato sa San Juan City, na nagsabing sa P7,500 na ayuda, P1,000 na lang ang napupunta para sa benepisyaryo at napupunta sa iba ang P6,500.
Ayon kay Ejercito, nakakadismaya ang scam na ito dahil ang pera na dapat sana ay para sa mga nangangailangan ay napupunta lang sa iba.
Iginiit ng senador, na dapat higpitan ang safeguards sa pagpapatupad ng programa para makuha talaga ng mga benepisyaryo ang tamang ayuda na para sa kanila.
Sinabi naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri, na dapat imbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang sinasabing pananamantala sa mga ayuda ng DOLE at DSWD. | ulat ni Nimfa Asuncion