Binigyang-diin ni dating Supreme Court Associate Justice Adolf Azcuna na ngayon na ang tamang panahon para amyendahan ang 1987 Constitution.
Si Azcuna ay nagsilbing vice chairperson ng Legislative Committee ng Constitutional Commission na bumalangkas sa Saligang Batas.
Giit ni Azcuna, umaasa siyang maamyendahan na ang Konstitusyon upang makasabay at makatugon ito sa mabilis na pagbabago ng takbo ng ekonomiya.
Sa ikalawang araw ng pagtalakay ng Committee of the Whole House sa Resolution of Both Houses No. 7 na layong amyendahan ang economic restrictions sa public utilites, edukasyon, at advertising—tiniyak ni Azcuna na mayroong safeguard upang hindi madagdagan ang naturang mga panukalang amyenda.
Punto ng dating mahistrado, malinaw sa RBH7 na pinatutungkulan lang nito ang economic provisions. At dahil may cardinal rule na isang paksa lamang kada title ang maaaring ihain ay matitiyak na hindi ito masisingitan ng political provisions.
“[The Constitutional amendment] is limited by the very form of their proposed resolution, which is in the form of a joint resolution of both Houses, and it is subjected to the cardinal rule of one subject matter only that must be expressed in that title. So political matters are not covered because they are not in the subject matter stated in the title. So that is the safeguard,” paliwanag niya.
Suportado rin ni Azcuna ang pagdaragdag ng mga katagang ‘unless otherwise provided by law’ sa aamyendahang Articles 12, 14, at 16 upang maisagawa ang pagbabago sa pamamagitan ng lehislasyon.
“It does not do any other thing. It makes it changeable by legislation. This is to me the best solution to the economic provisions’ restriction because economic provisions should be flexible and they should not be cast in stone and 37 years is casting in stone. The economic provisions must be responsive to changing economic conditions. Therefore, I believe that we should change the provisions to make them flexible by legislation by simply adding an amendment unless otherwise provided by law,” paliwanag ni Azcuna.
Inamin naman nito na sa orihinal na deliberasyon nila sa ConCom noong 1986, ay inalis ang kaparehong kataga na ‘unless otherwise provided for by Congress’.
Ito ay para protektahan aniya ang interes ng mga Pilipino at hindi basta-basta maamyendahan ang Konstitusyon.
Gayunman, ang intensyon aniya ng framers ng Saligang Batas noon ay walang gawing amyenda at hayaan munang paganahin ito sa loob ng limang taon.
Kaya hindi nila aniya inaasahan na aabot ng 37 taon ay hindi pa rin nabago ang ating Konstitusyon.
Kasabay nito ay tinapos na ng Committee of the Whole ang pagtalakay sa General Provisions ng RBH7. | ulat ni Kathleen Jean Forbes